Inilunsad ng Sentro ng
Edukasyon para sa Ekonomiya at Kalikasan (SEEK) ang ‘Friday is No Plastic Day’
sa Bulacan State University (BulSU), bilang pakikiisa sa panlalawigang panukala
ng Bulacan--- ‘No to Plastic Policy’, noong buwan ng Pebrero.
Layunin ng SEEK na mapangalagaan ang
kalikasan kasabay ng pagkakaroon ng edukasyon na makatutulong sa mga estudyante
upang makiisa sa pag protekta sa kalikasan.
Sa pagpapatupad ng “Friday is No Plastic Day”,
pinagbawalang gumamit ng mga plastic cups, Styrofoam, plastic utensils ang mga
tindahan sa loob ng unibersidad tuwing Biyernes. Sa halip sila ay gagamit ng mga
alternatibong gamit tulad ng paper cups at stainless steel utensils.
Pangunahing naapektuhan ng ibinabang bagong regulasyon sa
unibersidad ang mga tindahan sa loob ng BulSU. Ang pagbabago ay nagdulot ng
pagtaas sa presyo ng inumin tuwing biyernes, mula sa 10php hanggang 12php. Iyon
ay sa kadahilanang mas mahal ang presyo ng paper cups kaysa sa mga plastic
cups.
Ayon kay Aurora Navaro may-ari ng Abby’s Express Burger na
matatagpuan sa Federizo Hall, ayos lang sa kanila ang ibinabang kautusan ng
administrasyon ng BulSU dahil ito ay nakatutulong sa kalikasan.
“Okay lang naman sa amin, hindi naman kasi nabawasan yung
benta namin, tsaka tinangkilik talaga ng mga estudyante yung mga paper cups
kahit na may dagdag presyo.” dagdag pa ni Navaro.
Nauna nang isinulong ni Bise
Gobernador Daniel Fernando ang plastic
ban sa buong probinsya, na naglalayong mabawasan ang mga hindi nabubulok na
basura sa Bulacan. Bilang pagtugon ng BulSU sinimulan ng ipagbawal ang paggamit
ng straw at takip ng plastic cups sa buong unibersidad noong Enero. Maging ang
ilang fast food chain sa Malolos ay naki isa na rin sa nilalayong ordinansa sa
lalawigan.
“We initiated this [pagbabawal ng
plastic straw at takip ng plastic cups] dahil dagdag pangangalaga ito sa ating
environment. Magandang simulan ng mga kabataan ‘tong drive, para magsilbi
silang role model sa iba.” ani Evangelene Custodio, Vice President for
Admimistration and Finance ng BulSU.
Positibo din ang naging tugon ng mga
estudyante sa nasabing pagbabago. “ Maganda yung programa kasi nakakatulong
siya sa environment. In our little ways nakakagawa tayo ng mga pagbabago.
Nakakatuwang malaman na nakakapag contribute tayo para sa campaign against
climate change.” ani Januca Mendido ng BSBA 1E
Samantala, ang tindahang mahuhuli na
hindi sumusunod sa bagong regulasyong inilatag ng BulSU ay mawawalan ng permit
na magtinda sa loob ng unibersidad. #Ruby Jean Ricafranca
No comments:
Post a Comment